Sa isang iglap
ang ngiti mo
wari’y lumisan
Namalas ang tamlay
sa iyong mga mata
Kagyat naglaho ang
talino, sigla at saya.
Pagkabagot at inip
ang umuulayaw
sa bawat araw
na magdaan
Ang makita ka
sa ganitong kalagayan
sadyang kumukurot
sa aking kaibuturan.
Ang talas
ng iyong isip
napudpod na
parang lapis
Nabura ang alaala ng
mga numero at letra
Mga dating kaalaman
naligaw kung saan.
Di tiyak kung kailan
muli mabubuhay
ang bawat himaymay
na nawalan ng malay
Kalusugan ay
tunay na kayamanan
Ngayon ito’y pahalagahan
at ingatan.
Nawa’y dinggin
ng Maykapal
ang aking
bawat dasal
Hangad ko ang iyong
ganap na kagalingan
Ipagkaloob Nyang muli
ang ‘yong kalakasan.
Sa iyong braso’y
may nakaguhit na agila
na tulad mo, animo’y
nanlumong bigla
Subalit buo ang
aking paniniwala na
ang pakpak na nabali
ay lilipad na muli.
No comments:
Post a Comment
Your thoughts, ideas, opinions and suggestions about my post are highly appreciated. My deepest and warmest greetings to you. GOD bless always!