Ikaw. Oo ikaw..
Saan ka dinala, ng iyong mga paa?
Bakit mo hinayaang
magkubli sa mga ulap
ang matataas mong
pangarap?
Ikaw. Oo ikaw..
Saan ka na nakarating?
Ahhh, malayu-layo na rin.
Paroon at paritong
tintatahak ang iisang daan.
Pabalik-balik lang.
Ikaw. Oo ikaw..
Pagal mong katawan
ay di alintana.
Pagod mong isipan
ay binabalewala.
Magbistay ka man ng
isang katutak na buhangin
ay walang katumbas na bayad
ni katiting.
Ikaw. Oo ikaw..
May nangingilid na luhang
pilit na pinipigilan
Bigla na lng papatak nang
di namamalayan.
Dahil sa bigat ng dibdib at
patung-patong na
hinanakit.
Ikaw. Oo ikaw..
Nakulong sa isang kahong
butas-butas pero di makaalpas.
Paanud-anod sa alon
sa dagat ng panahon.
Di makatakas...
Di makalabas.
Ikaw. Oo ikaw..
May kulang ba o sobra
sa mga obrang naturan?
Bakit inaalat sa bawat
larangan?
Mailap. Malayo.
Tila napakahirap
maabot.
Ikaw. Oo ikaw..
Sa pagbilang
ng mga biyaya
Mas maraming ginto
kesa tanso
Subalit, ngunit, datapwat
Walang laman ang bulsa
Sadyang hungkag
ang pitaka.
Ikaw. Oo ikaw..
Nakatingala. Nakatulala.
Ninanamnam ang pait
at sakit ng katotohanang..
Ang pangarap
ay naging pangarap
na lang..
No comments:
Post a Comment
Your thoughts, ideas, opinions and suggestions about my post are highly appreciated. My deepest and warmest greetings to you. GOD bless always!